Location: Club Filipino, Club Filipino Avenue cor. Eisenhower Street, Greenhills, San Juan, Metro Manila
Category: Buildings/Structures
Type: Building
Status: Level II – Historical marker
Marker date: 1980
Installed by: National Historical Institute (NHI)
Marker text:
CLUB FILIPINO
ANG CLUB FILIPINO NA ITINATAG UPANG IPAKIPAGLABAN ANG KASARINLAN NG BANSA SA PAMAMAGITAN NG PAGPAPAYAMAN NG KULTURA, SINING, KARUNUNGAN, KALUSUGAN AT NG PAGKAMAKABAYAN NG MGA MAMAMAYAN.
ITINATAG NG ISANG PANGKAT NG MGA PILIPINONG MAKABAYAN AT ILUSTRADO SA PANGALANG “EL CLUB FILIPINO INDEPENDIENTE” NOONG 1898, NANG ANG BANDILA NG TATLONG BANSA – FILIPINAS, ESPANYA, AT AMERIKA – AY NAKATAAS SA IBAʼT IBANG PANIG NG KAPULUAN. NAGING UNANG PANGULO NITO SI ISIDRO DE SANTOS; SI HEN. ANTONIO LUNA NAMAN ANG SIYANG INGAT-YAMAN.
ANG SAMAHANG ITO ANG UNANG NAGBIGAY-PARANGAL SA ARAW NG PAGKA-MARTIR NI RIZAL SA PAMAMAGITAN NG PAGDARAOS NG LUKSANG ALAALA NOONG DISYEMBRE 30, 1898 AT SIYANG NAGING SIMULA NG PAGDIRIWANG NG “RIZAL DAY.”
NATIGIL ANG GAWAIN NG SAMAHAN NANG UMANIB KAY HEN. EMILIO AGUINALDO ANG MARAMI SA MGA KAGAWAD NITO NANG SUMIKLAB ANG DIGMAAN LABAN SA AMERIKA.
MULING ITINATAG SA BAGONG PANGALANG “EL CLUB INTERNATIONAL” NANG MATAPOS ANG DIGMAAN. IBINALIK ANG PANGALANG “CLUB FILIPINO” PAGKARAAN NG ILANG TAON.
ANG SAMAHAN AY NANGUNA SA PAGTANGKILIK SA SARILING KULTURA AT SINING; PINAPANATILI ANG PAGGAMIT NG KASUOTANG PILIPINO; AT UNANG NAGTAGUYOD SA MGA KUNSIYERTO NG MGA AWITING PILIPINO AT EKSIBISYON NG MUSIKA AT PINTURANG PILIPINO.
NAGTAGUYOD RIN SA PAGPAPAUNLAD NG KARUNUNGAN AT KALUSUGAN. NAGPADALA NG MGA PENSYONADO UPANG MAG-ARAL SA AMERIKA; AT NAGPAUNLAD SA PALAKASAN.
ANG UNANG NAGING TAHANAN NG CLUB AY SA DAANG ALIX (NGAYO’Y LEGARDA); PAGKARAAN, SA PLAZA GOITI. NOONG 1909, SA 1021 AVENIDA RIZAL. LUMIPAT SA STA. MESA KUNG SAAN TUMIGIL SI HEN. TOMOYUKI YAMASHITA NG HUKBONG HAPON AT PAGKARAAN, SI HEN. DOUGLAS MACARTHUR NOONG LIBERATION. BUHAT DITO, ITO AY INILIPAT SA KASALUKUYANG TANGGAPAN NITO SA GREENHILLS, SAN JUAN, METRO MANILA.